Biyernes, Disyembre 27, 2019

Mga alaala ni nanay

Alaala ng kabataan sa aming baryo 

       Napakasarap balikan noong panahon ng kabataan na kapiling si nanay sa araw-araw. Tipikal si nanay sa mga ina sa aming baryo. Habang ang tatay ay naghahanap buhay si nanay naman ay nasa bahay. Paminsan-minsan tumutulong siya kay tatay sa pagsasaka pero madalas ay nasa bahay lang siya.  Nag aalaga sa amin, nagluluto, naglalaba, at iba pang mga gawaing bahay. 
         Ang aming baryo ay tahimik at talagang napakaganda. Sagana sa mga likas na yaman at magagandang tanawin. Ang bahay namin ay tabing ilog kaya naman madalas ang aming libangan ay maligo dito at mamingwit. Minsan hahanapin kami ni nanay pero di kami agad mahanap kaya tiyak pag-uwi may kurot sa singit o kaya palo. Minsan dinaramdam ko ang pagpalo ni nanay. Pero naunawaan ko nang ako ay maging isang ina na din. Naunawaan ko din kung bakit ganoon na lang siya magalit sa amin noon. Takot pala siya na  mawalan ulit ng anak.  Dalawang anak niya ang namatay noong sila ay mga bata pa at labis itong dinamdam ng aming ina. Kaya siguro ganoon na lang ang takot niya noon pag di niya agad kami nakikita.
 
Ilog sa aming baryo.  

Pagdadalaga sa siyudad

        Sampung taong gulang ako noong lumipat kami sa Maynila.  Sa bayan ng Antipolo na ako nagdalaga. Mahirap ang buhay namin noon lalo si tatay ay walang permanenteng trabaho. Naalala ko si nanay na namasukan bilang labandera sa mayamang pamilya.  Dalawang beses sa isang linggo pumapasok siya at ako naman ang magbabantay sa mga maliliit na mga kapatid ko. Naalala ko noon kalong-kalong ang aming bunso habang inaantay si nanay mula sa paglalaba niya, naipangako ko sa sarili ko noon na tutulong ako sa kanila pag kaya ko na. Ganoon nga ang ginawa ko.  Hindi ako agad nakapag-aral dahil sa hangarin kong makatulong sa aking pamilya.

Kasiyahan ng isang ina

     Naging mahirap man ang aming buhay, pinilit kong makapagtapos ng pag-aaral. Noong ako ay nakatapos noon sa dalawang taong kurso na sekretarya, kitang kita ko ang saya ni nanay lalo nang umakyat siya sa entablado para ako ay sabitan ng medalya.  
     Noong nakapag hanapbuhay ako ay dama ko ang saya niya pagsasahod at ako ay magiintriga sa kanya.  Alam kong naging masaya din siya noong natapos ko ang apat na taong kurso at nitong huli na naging ganap akong guro.
     Alam kong naging masaya din siya na makita lahat ng kanyang mga anak na may sarili nang mga pamilya. Nakita niya ang kanyang mga apo at apo sa tuhod. Masaya siya pag masaya ang lahat ng anak niya. Lumuluha siya kapag may hindi ayos sa anak o apo niya.

Pagkakasakit  

        Hindi naging madali ang magkaroon ng karamdaman. Karamdaman na masakit sa katawan at pati na rin sa bulsa. Ang chronic kidney disease ay sinasabing sakit ng mga mayayaman. Pinilit ni nanay magpakatatag at lumaban para makasama pa niya kami. Apat na taon siyang nakipagbuno sa sakit na ito pero kalaunan ay di na niya kinaya.

Pagsubok sa katatagan

        Sa pagpapabalik-balik ni nanay sa ospital, laging dumadaing at nakikitang nasasaktan, ako din ay higit na nasasaktan. Ipinalangin ko sa Diyos na dugtungan pa ang kanyang buhay at makasama pa namin. Dininig naman Niya ang aming dasal dahil umabot siya ng apat na taon.  Sa apat na taon niyang pakikipaglaban, madaming nagbago sa amin. Sinubok ng Diyos ang katatagan namin pati na din ang relasyon namin magkakapatid. Nakita ko kung paano naging mas buo kami at nagtulungan para sa aming ina. Bagama't kami ay nahihirapan din, mas naging matatag kami at lalong kumapit sa Diyos para sa kapakanan ni nanay.

Pamamaalam

      Disyembre 12, 2019 nang mamaalam si nanay. Akala ko madaling tanggapin at kalimutan. Pero hanggang sa kasalukuyan ay di parin nakakalampas sa kalungkutan at pangungulila.  Tumutulo pa din ang luha sa tuwing naaalala ang mga oras na lagi kaming magkasama. Pero alam kong mapapawi din itong sobrang lungkot pero ang alaala ni nanay ay sadyang nasa aming puso na at isipan na hinding hindi kailanman malilimutan.

       Sadyang sa alaala na lang namin siya makakasama.  






Para  sa aking mga kaibigan sa facebook, click lang ang link para mapanood ang video presenation.
https://www.facebook.com/mirasol.cortanrolluqui/videos/10221705129279448/

Learning MPCWA

   In my early christian life, what I used to  do was to read my bible randomly like "mini miny moe".  Later on , I learned to re...